ASUKAL NA AMA
ang tanong sa Dalawa Pababa
ay Sugar Daddy, ano nga kaya?
Asukal na Ama ba'y sagot ko?
sapagkat tinagalog lang ito
lahat muna'y aking sinagutan
mga tanong Pababa't Pahalang
at sa kalaliman ay nahugot
ang di agad natingkalang sagot
at di pala Asukal na Ama
kaytamis mang ngiti ng dalaga
Palabigasan ang Sugar Daddy
huthutan ng pera ng babae
parehong labing-isa ang titik
nasagot gaano man katarik
sa diwa ang metaporang iyon
sa palaisipang mapanghamon
- gregoriovbituinjr.
04.27.2025
* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Abril 25, 2025, p.7
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento