ANG AKLAT PARA SA AKIN
pagbili ng libro'y nakahiligan
sa bookstore o mga book festival man
tungkol sa kasaysayan, pahayagan,
tula, kwento, sanaysay, panitikan
dahil ako'y makata, manunulat
ng mga tula't kwentong mapangmulat
na pampanitikan ang binubuklat
sari-saring akda'y binubulatlat
may dyaryong Taliba ng Maralita
kung saan kwento ko'y nalalathala
mga pahayag ng samahan, tula
na nais kong maisalibro din nga
balak kong makagawa ng nobela
hinggil sa pakikibaka ng masa
wawakasan ang bulok na sistema
wawakasan ang pagsasamantala
pangarap kong maisaaklat iyon
isa iyan sa dakila kong layon
na burgesya'y sa lupa maibaon
lipunang asam ay itayo ngayon
- gregoriovbituinjr.
04.05.2025
limansugat - palumpong (Pseudoranthemum bicolor) na biluhaba ang dahon, maliliit ang bulaklak, at mabalahibo ang hugis kapsulang prutas: kampupuko, kinatuluan, mandalusa, pulpulto - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 700
Sabado, Abril 5, 2025
Coed, nagpatiwakal
COED, NAGPATIWAKAL
bakit naisip magpatiwakal?
ng isang coed sa paaralan
mula ikaapat na palapag
siya'y tumalon, anong dahilan?
iniwan ba siya ng kasuyo?
at labis niyang dinamdam iyon?
pagsinta ba sa kanya'y naglaho?
aba'y anong sakit naman niyon!
sa eksam ba'y mababa ang grado?
nahihiyang di makapagtapos?
may mental health problem kaya ito?
na problema'y di matapos-tapos?
nagpapakamatay na'y kayrami
pangyayaring ganito'y kaylupit
nadagdagan pa ng estudyante
kahit may batas na sa Mental Health
- gregoriovbituinjr.
04.05.2025
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 5, 2025, p.2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018
Biyernes, Abril 4, 2025
Karahasan ng magulang sa mga anak
KARAHASAN NG MAGULANG SA MGA ANAK
sa dyaryong Bulgar, dalawang tampok na ulat
hinggil sa panggagahasa ng mismong tatay
sa mga anak, edad apat, labing-apat,
at labingsiyam, OFW ang nanay
edad siyam nama'y binubugaw ng ina
sa online, matatamong mo na lang ay bakit
dahil ba sa kahirapan ay gagawin na
upang magkapera'y ibubugaw ang paslit
sisisihin ba si Libog at Kahirapan
upang malusutan lang ang ginawang krimen
paglaki ng bata'y anong kahihinatnan
kung tatay mismo ang sa kanila'y umangkin
mapapaisip ka bakit ito nangyari
libog lang ba o may mental health problem ito
imbis mahalin, magulang mismo ang imbi
pag lumaki ang anak, kawawang totoo
- gregoriovbituinjr.
04.04.2025
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 4, 2025, tampok na balita at pahina 2
Istrok
ISTROK
di na niya maigalaw ang kanang braso
di rin maigalaw ang kanang hita't binti
pinagpahinga muna hanggang mag-umaga
nang di pa maigalaw, nagpaospital na
may bleeding sa pagitan ng artery at vein
sa utak, kung dati, may blood clot sa bituka
na inoperahan upang dugo'y lumabnaw
ngayon, may blood clot namang namuo sa utak
pitumpung porsyento raw ang nakaliligtas
sa istrok na nangyari sa asawang sinta
nawa, ang nangyari'y malusutan ni misis
aktibistang Spartan ay ito ang nais
naluluha na lamang ang makatang ito
tulala sa kawalan, isip ay paano
makaligtas si misis sa nangyaring ito
nawa'y gumaling pa si misis, aking samo
- gregoriovbituinjr.
04.04.2025
* litratong kuha ng makatang gala sa isang ospital
Miyerkules, Abril 2, 2025
Paglalakbay sa bingit
PAGLALAKBAY SA BINGIT
lumulutang yaring diwa
sa langit ng pang-unawa
ang nasa dambana'y tula
ang nasa dibdib ay luha
nilalakbay bawat bingit
ng kahapong di maukit
mga planong inuugit
sa puso'y inilalapit
ang tula'y nakabubusog
sa diwa kong nayuyugyog
ngunit nagkalasog-lasog
nang ilang ulit nauntog
wala man sa toreng garing
sa pagkatha'y buong giting
na ang madla'y ginigising
sa mahabang pagkahimbing
- gregoriovbituinjr.
04.02.2025
* kinatha sa ika-237 kaarawan ng makatang Francisco Balagtas
Ngayong Araw ni Balagtas, nais kong magpasalamat
NGAYONG ARAW NI BALAGTAS, NAIS KONG MAGPASALAMAT
ngayong Araw ni Balagtas, / nais kong magpasalamat
sa lahat ng mga tulong / sa oras ng kalituhan
nang maospital si misis / sa matinding karamdaman
pinaaabot ko'y taos / sa pusong pasasalamat
hindi ko man matularan / ang idolo kong makata
subalit para sa akin, / bawat kathang tula'y tulay
tungo sa pakikibakang / sa tuwina'y naninilay
lalo't isyu't paksa iyon / ng manggagawa't dalita
di pa mabuti si misis / bagamat pumapasok na
sa trabaho bilang social / worker sa kanilang opis
subalit ayon sa doktor, / rare case ang kaso ni misis
kaya pag-uwi ako'y nars, / at di pabaya sa kanya
kwarenta'y nwebeng araw nga / kami noon sa ospital
may tumulong, may inutang, / may isinanlang titulo
presyong tatlong milyong piso'y / di ko alam papaano
unti-unting babayaran, / presyong nakatitigagal
sa dalawang NGO nga'y / sinubukan kong mag-aplay
subalit di pa matanggap / ang tibak na laging kapos
ngayong Araw ni Balagtas, / pasasalamat ko'y taos
sa mga pusong dakila / sa tinulong nilang tunay
- gregoriovbituinjr.
04.02.2025
Martes, Abril 1, 2025
Nasisilaw sa ilaw
NASISILAW SA ILAW
nagtakip si alaga ng kamay
habang natutulog ng mahimbing
marahil nasisilaw sa ilaw
kaya kamay ay ipinantabing
mamaya, ako'y matutulog din
at ang ilaw ay io-off ko lang
isasara lang, di papatayin
mahirap ang salita ng tokhang
buti tulog ngayon si alaga
pagkat gabi ang kanyang trabaho
hanggang madaling araw gising nga
upang daga'y hulihing totoo
- gregoriovbituinjr.
04.01.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1LAWQbT1c8/
Ang uod ay isang paruparo
ANG UOD AY ISANG PARUPARO
And just what the caterpillar thought her life was over, she began to fly. ~ Chuang Tzu
kaygandang talinghaga'y nabatid
na magandang payo sa sinumang
nahihirapan at nabubulid
sa dusang tila di makayanan
sino kaya ang nagsabi niyon
ng talinghagang tagos sa puso
si Chuang Tzu nang unang panahon
at isa sa Taoismo'y nagtayo
akala ng uod mamamatay
siya paglabas sa nakabalot
sa katawan, at nang magkamalay
ay naging paruparo ang uod
nakalipad na patungong langit
sa mga kampupot bumababa
noon ay laging minamaliit
ngayon kayganda, kamangha-mangha
tulad din ng ating suliranin
na animo'y di na malulutas
may buhay pa palang haharapin
tungo sa isang magandang bukas
- gregoriovbituinjr.
04.01.2025
* larawan mula sa google
Noli Me "Tangina"
NOLI ME "TANGINA"
si Rizal daw ang idolo ng ama
na hilig magtungayaw o magmura
inakda raw ay Noli Me "Tangina"
komiks na patama, kunwari'y kwela
sa biro, ako na lang ay natawa
iba rin talaga si Al Pedroche
na sinulat ay iba't ibang siste
nasa diwa'y gagawan ng diskarte
lalo't pasasaringan ay salbahe
isusulat anuman ang mangyari
meron bang El "Filibustanginamo"
sunod sa Noli Me "Tangina" nito
kawawa naman ang akda ni Lolo
Pepe dahil sa biruang ganito
- gregoriovbituinjr.
04.01.2025
* tula batay sa komiks sa unang pahina ng Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2025
Lungad
LUNGAD
Labingtatlo Pahalang: Pagsuka ng sanggol
anim na titik, at ang lumabas na sagot:
LUNGAD, salitang ngayon ko lamang nasapol
bago lang sa akin ang katagang sumulpot
unang araw ng Abril, salita'y bumungad
madaling araw nang krosword ay masagutan
dyaryo'y kahapon pa, ngayon lamang nalantad
sa krosword ang bagong salitang kakaiba
sa wikang Ingles, infant reflux pala ito
iba sa suka, sapagkat kusang lalabas
sa bibig yaong gatas matapos sumuso
na karaniwan lang, ayon sa mga pantas
dagdag na salita itong magagamit din
sa pagkatha ng kwento, tula, at sanaysay
tila baga nalasap ay bagong pagkain
kaya bokabularyo'y nagiging makulay
- gregoriovbituinjr.
04.01.2025
* palaisipan mula sa pahayagang Bulgar, Marso 31, 2025, pahina 11
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Ang aklat para sa akin
ANG AKLAT PARA SA AKIN pagbili ng libro'y nakahiligan sa bookstore o mga book festival man tungkol sa kasaysayan, pahayagan, tula, kwent...

-
SA NARINIG KONG TUMULANG KATUTUBO nadama ko ang kaygandang tula dini sa puso'y nakahihiwa upang laban nila'y maunawa sana'y mara...
-
ANG LIBRO thirty five pesos lang ang libro sa BookSale ko nabili ito bakasakali lang matuto sa taong binabanggit dito pamagat ng libro...
-
itong Apitong pala'y isang katutubong puno sa bansa, tulad ng nara, buti'y di pa naglaho kayrami raw noon nito, mura't di manlul...