Biyernes, Nobyembre 1, 2024

Pambayad ko'y tula

PAMBAYAD KO'Y TULA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang ilunsad ang The Great Lean Run noong 2016, sabi ko sa mga organizer, wala akong pambayad kundi sampung tula. Dahil doon, pinayagan nila akong makasali at makatakbo sa The Great Lean Run. Matapos ang isang taon, sa nasabing aktibidad noong 2017, nailathala ko na ang mga iyon bilang munting aklat na naglalaman ng mga tula kay Lean. Natupad ko ang pangako kong sampung tula, ngunit dinagdagan ko kaya labinlimang tula iyon pati na mga isinalin kong akda ang naroroon.

Sa gipit naming kalagayan ngayon, anong magagawa ng tula, gayong batid kong walang pera sa tula. Nakaratay si misis sa ospital, dahil sa operasyon, may ilang mga kaibigan at kasamang tunay na nagmalasakit at nagbigay ng tulong. Alam nilang pultaym akong kumikilos habang social worker naman si misis na hina-handle ay OSAEC (online sexual abuse and exploitation of children). Bagamat secgen ako ng dalawang organisasyon, XDI (Ex-Political Detainees Initiative) since July 2017, at KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) since Sept 2018 ay wala naman akong sinasahod doon. Sa KPML, minsan meron, pero maliit lang, sanlibong piso, subalit madalas wala. Si misis ang may regular na sahod.

Bagamat noon pa'y batid kong walang pera sa tula, maliban kung ang aklat mo ng tula ay maibenta, naiisip kong tulad sa The Great Lean Run, patuloy akong kumatha ng tula, iba't ibang isyu, samutsaring paksa. Subalit tula ba'y maipambabayad ko tulad ng sa librong Lean? 

May mga nagbigay ng tulong sa panahong ito ng kagipitan, nais kong igawa rin sila, di lang isa o sampung tula kundi ang mga isyu't kampanya nila'y ilarawan ko sa tula. At marahil ay bigkasin ko sa pagtitipon tulad ng anibersaryo at rali.

Subalit uso pa ba at pinakikinggan ang pagbigkas ng tula ngayon? Open mike. Spoken word. Rap. FlipTop. Balagtasan.

Gayunman, ang pagtula ang isa sa lagi kong ginagawa. Kumbaga, ito ang bisyo ko, at hindi alak at yosi. Sa katunayan, santula-sang-araw ang puntirya ko. Sana'y matutukan ko pa ang pagsasaaklat ng aking mga katha.

Oktubre 23 naadmit si misis sa ospital. Mula Oktubre 1 hanggang 22 ay nagsasalin ako ng mga tulang sinulat ng mga makatang Palestino. Natigil iyon mula Oktubre 23. Isinasalin ko mula sa Ingles ang mga tula sa Arabik na isinalin sa Ingles, at balak ko iyong ilunsad na aklat para sa Nobyembre 29, International Day of Solidarity with the Palestinian People.

Pangarap ko ring maging nobelista, tulad ni JK Rowling ng Harry Potter, o ni J.R.R. Tolkien ng Lord of the Ring. At sinimulan ko iyon sa pagkatha ng maiikling kwento, na nalalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod o KPML. Maikling kwento muna bago magnobela. Baka doon ang bukas ko bilang manunulat. At baka pag sumikat ang aking nobela ay magkapera. Pangarap na sana'y aking matupad.

Iniisip ko na ring ituloy ang naunsyaming paggigitara upang awitin ang ilan sa nagawa kong tula. Nagbabakasakali. Baka matularan ang ilang katutubong mang-aawit. Hindi pa naman huli ang lahat.

Ayoko sanang magkautang. Ayokong matulad sa mag-asawang nagkautang ng malaki sa kwentong "The Necklace" ng kwentistang Pranses na si Guy de Maupassant, na sampung taon ang binuno upang bayaran ang mamahaling alahas na kanilang hiniram sa mayamang kaibigan, subalit nawala ito. Kaya upang mabayaran iyon ay nagsikap magtrabaho ang mag-asawa ng sampung taon na ang isipan ay nakatutok lang upang mabayaran o kaya'y mapalitan ang nawalang alahas ng kanilang kaibigan. Subalit sa huli ay inamin ng mayamang babae, na nagulat sa ipinagbago ng anyo ng nanghiram na kumare, na hindi totoong mamahalin ang alahas kundi puwet ng baso.

Subalit tiyak may utang na kami sa ospital, malaki. Dahil sa operasyon pa lang o surgery, umabot na iyon ng halos kalahating milyong piso at ang gamot ay mahigit dalawang daang libong piso, di pa kasama roon ang bayad sa mga doktor. Umabot na sa isang milyong piso ang gamutan. Subalit dapat kong gawan ng paraan.

Gawan ng paraan ng isang pultaym na tibak na hindi naman kumikita sa kanyang pagkilos.

Tula ang kaya kong ibayad, bagamat batid kong walang pera sa tula. Natatawa ka na ba sa tulad kong tibak at makata? Nakakatawa, di ba?

Subalit sarili ko ba'y maaaring kolateral upang mabayaran ang ospital? Gayong sino ako?  Hindi sikat, kundi pultaym na maglulupa. Walang sahod subalit masipag sa pagkilos.

Ito ako. Makata. Manunulat. Aktibistang Spartan. Pultaym. Tagagawa ng pahayagang Taliba ng Maralita dalawang isyu bawat buwan. Mga gawaing walang sahod, na niyakap bilang pamumuhay habang tinataguyod ang karapatang pantao, hustisyang panlipunan, at pagkakapantay.

Kaya naisip kong mag-alay ng tula para sa lahat ng mga tumulong sa aming pamilya sa panahong ito ng kagipitan.

ALAY KO'Y TULA

salamat sa lahat ng tumulong
nang maospital ang aking misis
malayo man ang tingin ko ngayon
ay kailangang magtiis-tiis

bagamat ako'y tibak na pultaym
paraan ay ginagawang lubos
sana'y umayos ang pakiramdam
ni misis at siya'y makaraos

pasasalamat ko'y taospuso 
at bumubukal sa puso'y wagas
na sana si misis ay mahango
mula sa sakit niya't maligtas

ngayon salapi'y hinahagilap
upang ospital ay mabayaran
salamat sa lahat ng paglingap
sa asawa kong may karamdaman

11.01.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...