Miyerkules, Hulyo 10, 2024

Ulog - Walang taong bayan sa isang lugar

ULOG - WALANG TAONG BAYAN SA ISANG LUGAR

may isang awit noong narinig ko nang bata pa
liriko: "Wala nang tao sa Santa Filomena"
sa krosword, awiting iyon ay aking naalala
Apat Pababa: Walang taong bayan, ano nga ba?

di ko alam ang tamang sagot, diwa ko'y kinapos
animo isip ko'y nilalatigo't inuulos
sinagot ang Pababa't Pahalang hanggang matapos
lumabas na sagot ay ULOG, ako'y nakaraos

tiningnan ang kahulugan sa talahuluganan
kung bakit salitang ULOG ay "walang taong bayan"
naroon: "pag-alis sa pook dahil sa digmaan..."
nilisan ng mga bakwit ang kanilang tahanan

tila istorya ng Santa Filomena ang ulog
tulad sa Marawi, buong bayan ay nabulabog
baka kabahayan at kabuhayan pa'y sinunog
dahil sa digma, pook nila'y talagang nadurog

ah, naalala ko lamang ang nasabing awitin
mga bakwit ba sa lugar nila'y nakauwi rin?
may kapayapaan na ba sa bayan nila't natin?
upang ulog ay di na larawang dapat sapitin?

- gregoriovbituinjr.
07.10.2024

* krosword mula sa Abante Tonite, Hulyo 9, 2024, p.7
* ulog - 3. Sinaunang Tagalog, pag-alis o pagkawala ng mga naninirahan sa isang pook dahil sa digmaan, salot, at katulad, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.1299

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...