Martes, Marso 12, 2024

Ang seasonal workers ay matuturing na regular na manggagawa, ayon sa SC

ANG SEASONAL WORKERS AY MATUTURING NA REGULAR NA MANGGAGAWA, AYON SA SC
Malayang salin ng ulat at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nais nating bigyang pansin ang balitang pinamagatang "SC: Seasonal workers can be deemed regular employees" na inulat at sinulat ng mamamahayag na si Jane Bautista ng Philippine Daily Inquirer, at nalathala nitong Pebrero 21, 2024 sa nasabing pahayagan.

Subalit nais kong isalin sa wikang Filipino ang kanyang ulat upang mas manamnam pa natin kung bakit nga ba ang seasonal workers ay maaaring ituring na regular na empleyado. Narito ang malayang salin ng ulat:

Maaari bang ituring na regular na empleyadoang isang pana-panahong manggagawa?

Sinabi ng Korte Suprema, na nagdesisyon sa isang labor case noong 2009 na kinasasangkutan ng isang tinanggal na manggagawa sa plantasyon ng asukal sa isang asyenda sa Negros Occidental, na ang isang empleyado ay maaaring ituring na regular na manggagawa kung siya ay gumaganap ng trabaho o mga serbisyong "pana-panahon o seasonal” at nagtatrabaho nang higit sa isang panahon o season.

"Ang katotohanang ang isang empleyado ay malayang gawin ang kanilang mga serbisyo para sa iba ay hindi nagpapawalang-bisa sa regular na katayuan sa pagtatrabaho hangga't sila ay paulit-ulit na tinatanggap para sa parehong mga aktibidad at hindi lamang on at off para sa anumang solong yugto ng gawaing pang-agrikultura," ayon sa Korte Suprema sa isang desisyong ipinahayag noong Nobyembre 13, 2023, ngunit nai-post lamang sa website nito noong Pebrero 16, 2024.

Sisyemang ‘Pakyawan’ 

Sinabi ng korte na ang mabayaran sa ilalim ng isang sistemang “pakyawan” o task basis arrangement (kaayusang batay sa gawain) ay hindi magpapawalang-bisa sa regular na trabaho “hangga’t ang employer ay may karapatang gamitin ang kapangyarihan ng kontrol o pangangasiwa sa paggampan ng mga tungkulin ng isang empleyado, ito man ay talagang nagagampanan o hindi."

Ibinasura ng desisyon ng Korte Suprema ang petition for review on certiorari na inihain ng Hacienda San Isidro/Silos Farms at ng isang Rey Silos Llamado na hinahamon ang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong 2013 na nagdeklara kay Helen Villarue bilang regular na empleyado ng plantasyon ng asukal at nag-utos ng pagbabayad ng kanyang back wages at separation pay.

Ang asawa ni Villarue na si Lucito ay pinangalanang respondent sa petisyon.

Noong 2009, nagsampa ng magkahiwalay na reklamo ang mga Villarue sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa illegal dismissal, underpayment ng sahod, at pagbabayad ng service incentive leave pay at attorney’s fees.

Noong 2011, nagpasya ang labor arbiter na ang pagpapaalis kay Lucito ay para sa isang "makatarungang dahilan ngunit walang angkop na proseso (just cause but without due process)" at inutusan ang Silos Farm at si Silos na magbayad ng P5,000 para sa nominal damages. Si Helen naman ay napag-alamang regular na empleyado at idineklara itong legal na tinanggal.

Nagsampa naman ang mga petitioner ng isang memorandum of partial appeal sa NLRC, na pumanig sa kanila at binago ang desisyon ng labor arbiter—na si Lucito ay nabigyan ng due process noong siya ay tinanggal at si Helen ay hindi isang empleyado ng asyenda.

Iniutos din ng NLRC na kanselahin ang P5,000 award para sa nominal damages.

'Kapangyarihan ng kontrol'

Naghain ang mga Villarue ng motion for reconsideration, na pinagbigyan ng NLRC noong 2012 at nagresulta sa pagbabalik ng inisyal na desisyon ng labor arbiter. Nagdesisyon ang NLRC na ang mag-asawa ay iligal na tinanggal at inutusan ang mga petitioner na bayaran sila ng kabuuang P481,035.23 para sa separation pay, back wages, wage differential, 13th month pay at attorney’s fees.

Ito ang nag-udyok sa mga petitioner na iangat ang kaso sa CA, na sa una ay nagpasya na "Nabigo si Helen na patunayan ang pagkakaroon ng lahat ng mga elemento upang matiyak ang relasyon ng employer-empleyado sa pagitan niya at ng mga petitioner, partikular na ang mahalagang elemento ng kapangyarihan ng kontrol."

Gayunpaman, sa paghahain ng mosyon para sa muling pagsasaalang-alang noong 2013, binawi ng CA ang dati nitong desisyon at pinagtibay ang mga desisyon ng labor arbiter at ng NLRC na si Helen ay isang regular na empleyado ng mga petitioner batay sa Article 280 (ngayon 295) ng Labor Code.

Palagiang kinukuhang magtrabaho

Sinabi ng CA na itinuring nito na kaswal na empleyado si Helen "ngunit maaaring ituring na isang regular na empleyado dahil sa pagbibigay ng serbisyong hindi bababa sa isang taon, na patuloy na tinatanggap sa trabaho hanggang sa pagkatanggal sa kanya."

Binanggit ng CA ang ikalawang talata ng Artikulo 295 ng Labor Code na nagsasaad na “ang sinumang empleyado na nakapagbigay ng serbisyong hindi bababa sa isang taon, kung ang naturang serbisyo ay tuluy-tuloy o putol-potol, ay dapat ituring na isang regular na empleyado na may kinalaman sa aktibidad kung saan siya ay nagtatrabaho at ang kanyang trabaho ay magpapatuloy habang umiiral ang ganoong aktibidad.”

Sa petisyon nito sa mataas na tribunal, nangatuwiran ang mga amo na si Helen ay “bahagyang nagtrabaho sa asyenda sa batayang pakyawan,” at wala silang anumang kontrol sa paraan ng kanyang pagtatrabaho.

Idinagdag nila na si Helen ay malayang magtrabaho saanman, na binanggit na siya ay paulit-ulit na kinukuha, na nagbibilang ng "patdan" (maliit na pinagputulan ng tubo) at namamahala't nagpapatakbo rin ang sarili niyang tindahang sari-sari.

Ngunit dahil napag-alaman ng labor arbiter, ng NLRC at ng CA na si Helen ay isang regular na empleyado ng mga petitioner, sinabi ng Korte Suprema na itinuring nito ang desisyon nang may paggalang at pinal.

Gayunpaman, itinuwid ng mataas na hukuman ang katwiran ng CA sa pagtungo sa konklusyon na si Helen ay isang regular na empleyado, na nagsasabi na ito ay "mali" para sa CA na ikategorya siya bilang kaswal na empleyado sa pamamagitan ng paglalapat ng ikalawang talata ng Artikulo 295 ng Labor Code.

Ayon sa Korte Suprema, dapat ang batayan ay ang eksepsiyon na nakasulat sa unang talata ng batas na iyon, na nagsasaad na ang mga hindi sakop ng regular na trabaho ay ang mga pana-panahong manggagawa lamang na ang trabaho ay "para sa durasyon ng panahon o season."

"Kaya, ang mga pana-panahong empleyado na nagtatrabaho nang higit sa isang panahon sa trabaho o serbisyo na pana-panahong ginagawa nila ay hindi na nasa ilalim ng eksepsiyon sa unang talata, subalit nasa ilalim ng pangkalahatang tuntunin ng regular na pagtatrabaho," sabi nito.

Binanggit ng mataas na hukuman na habang ang mga manggagawang bukid sa pangkalahatan ay nasa ilalim ng kahulugan ng mga pana-panahong empleyado, palagi nitong pinanghahawakan na ang mga pana-panahong empleyado ay maaaring ituring na mga regular na empleyado.

“Paulit-ulit na kinukuhang magtrabaho [si Helen] para sa parehong mga aktibidad, ibig sabihin, pagtatanim ng tubo, pagbibilang ng patdan, atbp. Kaya naman, kung malaya siyang ibigay ang kanyang mga serbisyo sa ibang mga may-ari ng sakahan ay walang kaugnayan dito. Ang katotohanan na siya ay nagpapanatili ng isang sari-sari store ay hindi rin mahalaga at hindi tugma sa kanyang regular na katayuan sa pagtatrabaho sa mga petitioner," sabi nito. INQ

MANGGAGAWANG REGULAR SI HELEN

paulit-ulit kinukuhang magtrabaho
si Helen, isang pana-panahong obrero
ibig sabihin, pag tag-ani na ng tubo
pinakikinabangan ang kanyang serbisyo

kada tag-ani, manggagawa'y nakahanda
at nagtatrabaho nang walang patumangga
lalo't higit isang taon nang ginagawa
dapat turing na'y regular na manggagawa

ang balita pag inaral mo'y lumilitaw
ang sinabi ng Korte na sadyang kaylinaw
regular ang nagtatrabahong araw-araw
nang higit isang taon, ito ma'y may laktaw

regular ang manggagawang pana-panahon
tuloy-tuloy o putol-putol pa man iyon
pag-aralang tunay ang nasabing desisyon
ng Korte Suprema't baka magamit ngayon

03.12.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Infusion complete

INFUSION COMPLETE pag tumunog na ang aparato "infusion complete" , ang sabi rito ang nars ay agad tatawagin ko dextrose na'y t...