Martes, Pebrero 28, 2023

Usapang Wika, Kaliwa Dam, Pagsasalin at KWF

USAPANG WIKA, KALIWA DAM, PAGSASALIN AT KWF 
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nakasamang maglakad sa siyam na araw na Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Malakanyang noong Pebrero 15-23, 2023. Pebrero 14 pa lang ay nag-date na kami ni misis dahil anibersaryo ng aming civil wedding at hapon ay bumiyahe na ako patungong General Nakar dahil doon ang simula ng lakaran, at Pebrero 24 na kami naghiwa-hiwalay matapos ang Alay-Lakad.

Bukod sa matingkad na isyu ng Kaliwa Dam na wawasak sa 291 ektaryang kagubatan, bukod sa maaapektuhan ang ilang libong pamilya ng katutubong Dumagat-Remontado, bukod sa mawawasak pati Agos River sa Gen. Nakar, isa sa pinakamatingkad na tumatak sa akin ay ang sinabi ni Nanay Conching, na isa sa lider ng mga katutubo, nang sinabi niya noong dumating kami sa Ateneo, Pebrero 22 ng gabi, na ang pinababasa sa kanilang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles, kaya hindi nila agad iyon maunawaan, kaya sila naloloko, kaya may ibang pumirma sa dokumento ng MWSS na pumapayag na umano sa Kaliwa Dam, gayong mahigpit nila itong tinututulan.

Matingkad sa akin ang usaping wika. Ako bilang manunulat at makata ay nagsasalin din ng mga akda, subalit paano kung isalin na’y mga dokumento’t batas ng bansa natin? Tayo ang bansang nagsasalita sa sariling wika ngunit mga dokumento’y nasa dayuhang wika. Tayo ang bansang mas iginagalang ang mga Inglisero dahil mataas daw ang pinag-aralan. Tingin ko, Pinoy na Inglisero’y sa Ingles nanghihiram ng respeto.

Matagal ko na itong napapansin at sa aking panawagan ay walang pumapansin. Mayroon tayong ahensya ng wika, subalit wala talagang ahensya ng pagsasalin, bagamat may sinasabing may naitayong Filipino Institute of Translation o FIT. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 507, ang Institute ay 1: samahan sa pagtataguyod ng agham, edukasyon, at iba pa; 2: ang tawag sa gusali nito; 3: paaralang nagtuturo ng teknikal o espesipikong larangan ng pag-aaral. Kaya ang FIT ay masasabi nating paaralan at hindi ahensya ng pamahalaan.

Ano nga bang nais kong sabihin? Dapat may ahensyang nagsasalin ng lahat ng batas ng Pilipinas mula sa Ingles tungo sa wikang Filipino, Tagalog man, Ilokano man, Cebuano, Ilonggo, at iba pa, kung saan bawat salin ng batas ay tatatakan na “Opisyal na Salin” at may seal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa ngayon ay walang ganito. Kaya ang mga batas natin ay inuunawa natin sa wikang di agad nauunawaan ng ating mga kababayan, ng simpleng mamamayan, ng mga maralita. Mali ito. Dapat may gawin ang KWF dahil siya ang ahensyang nararapat sa gawaing pagsasalin. Bagamat sa batas na nagtayo sa kanya, ang Republic Act 7194, ay walang ganitong probisyon.

Kung may ahensyang naatasang magsalin ng lahat ng mga batas ng ating bansa at tatatakan na iyon ang Opisyal na Salin, mas makakatulong iyon sa ating bansa. Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Maraming naaapi at nagpapaapi dahil akala nila ay matatalino ang mga nag-iinglesan, gayong pinagsasamantalahan na pala sila, inaagaw na pala ang kanilang lupang ninuno ay hindi pa nila nalalaman.

Kaya ang mungkahi ko na dapat maisabatas, at maging tungkulin ng ahensya ng pamahalaan na Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na  maging opisyal na tagasalin ng pamahalaan ng lahat ng batas ng ating bansa. At tatakan ito ng imprimatur na “Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”. Amyendahan ang Republic Act 7194 na nagtayo sa KWF, at isama sa kanilang tungkulin ang pagiging Opisyal na Tagasalin ng lahat ng batas sa bansa. Maaari rin itong gawin sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo ng Pilipinas. Nawa’y makaabot sa mga kinauukulan ang munting mungkahing ito ng abang makata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 16-17.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...