Miyerkules, Marso 16, 2022

Pagdalaw sa nayon

PAGDALAW SA NAYON

minsan, dumalaw kami sa nayon
ng maralitang may dalang layon
kami'y nagbigay ng edukasyon
paksa'y karapatan isang hapon

karapatan nila sa pabahay
ay pinag-aralan naming tunay
karapatang pantao'y matibay
na pundasyon ng dangal at buhay

kaya kami nama'y nalulugod
na karapatan ay itaguyod
dukha'y di madulas sa alulod
ng dusa't luhang kapara'y puntod

kundi mabuhay nang may dignidad
may kaginhawahang hinahangad
ang mabuhay nang di nagsasalat
kundi kabuhayan nila'y sapat

iyan din naman ang panawagan
ng kandidato sa panguluhan
at line up ng "Manggagawa Naman"
palitan ang bulok na lipunan

baguhin na ang sistemang bulok
walang trapong sa talino'y bugok
sa bulsa ng bwitre'y nakasuksok
na sistema'y nakasusulasok

masugpo na ang trapo't hunyango
at sistemang bulok na'y maglaho
lipunang makatao'y matayo
sa buong bansa, sa buong mundo

- gregoriovbituinjr.
03.16.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...