Lunes, Mayo 3, 2021

Pagtambay sa kapehan

PAGTAMBAY SA KAPEHAN

ako'y nagkape muna't si misis ay hinihintay
upang sunduin sa trabaho habang nagninilay
ng samutsaring paksa't pagsusulat ng sanaysay
mainit-init pa ang kape'y hihiguping tunay

minsan, sumasagot ng palaisipang Tagalog
o kaya'y magbabasa ng mga librong di bantog
maya-maya'y tatawag na ang mutyang sinta't irog
upang ako'y puntahan niya't siya'y papanaog

at kami'y magkakapeng sabay doon sa kapehan
ngunit naka-social distancing pa rin sa upuan
bawal kasing magtabi at baka magkahawaan
kahit na laging magkatabi sa silid-tulugan

kaysayang magkape lalo't kaytamis at kaysarap
habang kasama ang diwata sa bawat pangarap
di mo mararamdaman ang nararanasang hirap
dahil sa pandemyang di mabatid ang hinaharap

maraming salamat, nakakatambay sa kapehan
kaysa naman patulog-tulog doon sa pansitan
sa kapeng mainit, gising na gising ang kalamnan
at maraming paksang pagulong-gulong sa isipan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...