Martes, Mayo 4, 2021

Dalawang nakahahalinang pamagat

DALAWANG NAKAHAHALINANG PAMAGAT

dalawang pamagat ang sa akin nakahalina
sa eskaparate ng bookstore ay aking nakita
ang isa'y paano makakaligtas sa pandemya
habang paano naman hindi mamatay ang isa

sadyang napapanahon ang mga nasabing aklat
sa pandemya'y kayraming namatay, kagulat-gulat
nais kong basahin ang nilalaman kung mabuklat
nais ko sanang bilhin, ngunit salapi'y di sapat

kung may pera, gutom muna'y uunahing lutasin
at kung may sobrang salapi saka libro'y bibilhin
kapara ba nito'y survival kit? anong gagawin?
tulad ng bagyo, lindol, sunog, pag nangyari man din?

tiyak na matatalakay dito ang kasaysayan
ang Spanish influenza ng siglong nakaraan
ang Bubonic Plague na milyon ang namatay naman
ang Black Death na sa Asya't Europa ang dinaanan

paano nakaligtas ang madla noon sa sakit
pandemya'y paano natakasan ng mga gipit
ah, pagbili ng aklat nga'y bakasakaling pilit
habang naritong tila sa patalim kumakapit

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...