Miyerkules, Abril 8, 2020

Bahaginan ang kapwa sa panahon ng lockdown

Bahaginan ang kapwa sa panahon ng lockdown 

"Bahaginan mo ng iyong makakayanan ang sino mang mahirap at kapus-palad." ~ bilang ikawalo (VIII) ng Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (Dekalogong sinulat ni Andres Bonifacio)

prinsipyo palang taglay ng dakilang Katipunan
na yaong nagdaralita'y atin ding bahaginan
ng anupamang mayroon tayo'y makakayanan
ito nga'y tunay na pakikipagkapwa sa bayan

lalo na ngayong lockdown pa't nasa bahay lang tayo
dahil nananalasa ang COVID-19 na ito
basahin natin ang Dekalogo ni Bonifacio
tiyak na may bagong aral na mapupulot tayo

luma man ang mensahe, bago sa ating panahon
habang naka-kwarantina't kayraming nagugutom
maralita'y panay ang paghihigpit ng sinturon
kahit panggitnang uri'y nauubusan din ngayon

gawin nang minimum wage ang sahod ng kongresista
senador, ehekutibo, sundalo't huwes, sana
ay mangyari't makaahon ang ating ekonomya
tigilan na nilang negosyohin ang pulitika

pagpupugay sa Sanlakas at Bulig Pilipinas
nangalap ng pondo, nagluto ng ulam at bigas
at namigay ng pagkain sa dukhang nasa labas
sa iba't ibang lungsod na gutom ang dinaranas

halimbawa nila'y tunay na magandang hangarin
sa ganyan nakikita ang tapat na adhikain
bilin ni Gat Andres na magbahaginan ay gawin
upang kapwa natin, pati dukha'y makaraos din

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...