Sabado, Nobyembre 2, 2019

Itinirik nila'y halaman imbes na kandila

itinirik nila'y halaman imbes na kandila
katabi ng larawan ng mahal nilang winala
halaman upang tumubo, pag-asa ang sagisag
simbolong bawat isang naroo'y maging matatag

uusbong ang halaman upang maging isang puno
na magbibigay ng lilim sa bawat nahahapo
magbibigay ng bunga sa bawat gutom at luha
at tutulong upang mapawi ang malaking baha

mga halamang simbolo ng desaparesido
upang mahal na winala'y matagpuang totoo
daraan ang araw, buwan, taon, puno'y yayabong
magkakabunga't panibagong pag-asa'y uusbong

itinanim na halaman ay ating alagaan
diligan palagi't huwag hayaang matuyuan
nawa ibunga nito'y kapayapaan sa puso
at mabubuong pag-asa'y patuloy pang lumago

- gregbituinjr.
* Larawan kuha ng may-akda sa aktibidad ng grupong FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) sa Bantayog ng mga Desaparesido, Nobyembre 2, 2019.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...